Monday, September 20, 2010

Kamatayan at kamangmangan*

Hindi man biglaan, paunti-unti ay nagkakaroon na rin ng “kalayaan” ang mga pausbong na manunulat sa UST na sumulat ng akdang ayon sa kanilang mga sariling paniniwala. Gamit ang mga aral ni Santo Tomas upang malaman ang mali sa tama, darating ang araw na malaya na silang makasusulat bilang mga manunulat, at hindi lamang bilang mga Tomasino.



“BAKIT ang mga taga-UST mahilig magsulat tungkol sa kamatayan? Don’t you even know how to live?”

Itinanong ito ng premyadong kuwentista na si Jun Cruz Reyes sa mga kalahok sa Palihang Pampanitikan ng Varsitarian noong nakaraang taon. Napansin kasi niya na sa ilang taon niyang pagiging hurado sa Ustetika (ang taunang parangal pampanitikan ng UST) at kasama sa palihan, hindi mawawala ang mga lahok na katha na may tauhang namatay o kaya naman ay tumatalakay sa kamatayan.

Bukod umano sa nakakabagot at nakakasawa na ang ganitong uri ng katha, tila nagiging tatak na ito ng mga Tomasinong manunulat, lalo na ng mga baguhan. At maging ako, guilty sa gawaing ito. Sa unang palihang sinalihan ko, kuwentong kamatayan din ang isinumite ko.

Maaaring dala ito ng kamalayang kinagisnan sa loob ng pinakamatandang Katolikong pamantasan sa bansa. Dito, nagkakaroon ng pagkakaisa sa pag-iisip at pananaw ang mga Tomasinong manunulat sa mga bagay-bagay dahil pare-pareho ang kanilang naging oryentasyon sa iba’t ibang larangan gaya ng pilosopiya, relihiyon, sining, at kultura.

Gayunpaman, hindi nalilimitahan dito ang paraan ng pagsulat ng mga Tomasinong manunulat. Ayon sa makatang si J. Niel Garcia, pundador ng Thomasian Writers Guild at kasalukuyang nagtuturo sa UP, “the fact that a person is a graduate of UST makes him a Thomasian. But this does not necessarily become part of his writing. We write about things that affect us.”

Ngunit tila ang sinasabing “tradisyong Tomasino” ang nagtutulak sa mga umuusbong na Tomasinong manunulat na lalong kumawala sa mga gapos nito. Minsan nang sinabi ng mandudulang si Jun Lana na dahil isang relihiyosong institusyon ang UST, mayroon umanong “suffocating censorship” sa UST lalo na sa mga akdang tumatalakay sa mga sensitibong isyu. Aniya, kung magpapatuloy ito, lalong mapagiiwanan na ang UST.

Isang halimbawa nito ang hindi pagpayag ng Office for Student Affairs (OSA) halos tatlong taon na ang nakaraan na itanghal ng Artistang Artlets ng Faculty of Arts and Letters ang kanilang dula dahil sa pagtalakay sa buhay ng isang kerida.

Sa mga ganitong pagkakataon naghahanap ng ibang kanlungan ang mga manunulat dahil hindi tanggap sa kanilang kinamulatan ang kanilang akda.

Sa mga nagdaang taon, ilan sa mga akdang nagwagi sa Ustetika ay tumalakay sa iba’t ibang isyu gaya ng homosekswalidad (na taliwas sa paniniwala ng simbahang Katolika), aborsyon, diskriminasyon, at maging mga problemang panlipunan. Sa katunayan, ang dulang tumanggap ng Rector’s Literary Award noong nakaraang taon ay ang kaninang nabanggit ko na umani ng censorship mula sa OSA.

Hindi man biglaan, paunti-unti ay nagkakaroon na rin ng “kalayaan” ang mga pausbong na manunulat sa UST na sumulat ng akdang ayon sa kanilang mga sariling paniniwala. Gamit ang mga aral ni Santo Tomas upang malaman ang mali sa tama, darating ang araw na malaya na silang makasusulat bilang mga manunulat, at hindi lamang bilang mga Tomasino.

* * *

Hindi maiiwasan sa online forums ang pagpapataasan ng ihi ng mga estudyante mula sa magkakaibang pamantasan. Minsang nagbabasa ako, isang pahayag ang nakapagpanting sa tainga ko. Aniya, hindi raw dapat ikumpara ang UST sa umano’y “Big Three” na mga pamatasan sa Katipunan, Diliman at Taft dahil sa “less stellar alumni roster” ng UST. Natawa na lamang ako.

Payo ko lamang sa kaniya (sakaling mabasa niya ito), subukan niya munang magsaliksik bago siya magbitiw ng “kamangmangan.” Hindi malayong Tomasino pala ang propesor na nagbibigay ng “de kalidad” na edukasyon sa kanilang pamantasan.

*Unang nalathala sa The Varsitarian.

http://www.varsitarian.net/editorial_opinion/opinion/20091006/kamatayan_at_kamangmangan

Magna Carta, nasaan na?*

ILANG buwan na lamang ang nalalabi at lilisanin ko na ang pamantasang ito ngunit hanggang ngayon, wala pa ring kasiguraduhan ang pagpapatupad ng Magna Carta for Students Rights sa UST.

Napakalinaw nang lahat dalawang taon na ang nakararaan. Ayon kay Reyner VillaseƱor, noo’y pangulo ng Central Student Council (CSC), nagbigay ng katiyakan ang noo’y rektor ng Unibersidad na si P. Ernesto Arceo, O.P. na gagawin niya ang lahat upang maaprubahan ang charter sa ikalawang semestre ng taong 2007.

Upang mapaigting ang kampanya, nagpaskil rin ng mga kopya ng mungkahing Magna Carta sa buong Unibersidad upang maging bukas ito sa mga mag-aaral. Sinabi rin ni VillaseƱor na magkakaroon ng plebisito bandang Disyembre 2007 upang maaprubahan ng mga estudyante ang charter.

Ngunit nang magbitiw sa kanilang puwesto ang tatlo sa pinakamatataas na opisyal ng UST kasama si Arceo bago matapos ang unang semestre, tila nagdilim ang pag-asang maisasakatuparan pa ang pagpapatupad ng Magna Carta na magsisilbing proteksyon sa mga karapatan ng mga mag-aaral.

Nagdaan ang Paskuhan ngunit walang plebisitong naganap. Nagdaan ang eleksiyon ng mga bagong student leaders nang walang Magna Carta na napagtibay. Naging lumang tugtugin na naman ng mga nag-aasam na mamuno sa student body ng UST ang pangako ng isang Magna Carta. Panibagong taong pang-akademiko ang nagdaan na wala man lang nabalitaan sa itinatakbo ng Magna Carta.

Sa panayam ng Varsitarian noong Mayo kay Angelo Cachero, pangulo ng CSC noong nakaraang taon, sinabi niyang ginawa naman ng kanyang administrasyon ang lahat upang maipatupad ang charter ngunit kulang ‘di umano sa pakikilahok ang mga mag-aaral.

Ngunit maisisisi nga ba sa pagiging hindi aktibo ng mga estudyante ang pagkakabinbin ng pagpapatupad ng Magna Carta? Paano sila magiging aktibo sa pagsuporta kung hindi kungkreto at kaayon ang mga hakbang upang ipaalam sa kanila na may charter na naghahangad na proteksiyunan ang kanilang mga karapatan? Sapat na ba ang isang photocopy ng Magna Carta na nakapaskil sa bulletin board ng lokal na student council para mamulat sila? Hindi.

Kung gayon, masasabi ba natin na kulang ang kakayahan ng mga namumuno sa student government na maitulak ang implementasyon ng Magna Carta? Taun-taon ay nagbabago ang mga nakaupo sa student council at taun-taon din ay may iba’t ibang mga proyekto’t plataporma na kadalasan ay short-term goals lamang. Kung sana’y may consistency ang mga hakbang ng mga nagtutulak para sa implementasyon ng charter, hindi na aabutin pa ng halos limang taon ang paghihintay sa Magna Carta mula pagbalangkas nito noong Oktubre 2004.

Masisisi rin ba ang administrasyon ng UST na maaaring humahadlang sa pagpapatupad ng Magna Carta? Sinabi ni Florentino Hornedo, propesor sa Faculty of Arts and Letters, sa ulat ng Varsitarian noong Abril 2008 na maaaring may “insecurities” sa pagitan ng mga mag-aaral at ng administrasyon. Aniya, “There should be a high level of knowledge, confidence, and mutual respect on both sides for us to see the Magna Carta as a pedagogical tool to help make the students mature in their respective academic responsibilities.”

Siguro’y may pagkukulang ang bawat isa kung bakit hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin ang implementasyon ng Magna Carta, na ang tanging hangad lamang ay magbigay proteksiyon sa mga mag-aaral.

Ilang rebisyon na ang pinagdaanan ng Magna Carta kaya’t inaasahan kong maayos na ang mga “butas” na nakita ng mga nakaraang pinuno ng CSC at Central Board of Students. Sinabi naman ni Cachero na naisumite na nila ang charter sa administrasyon ng UST bago natapos ang kanyang termino.

Ngunit kung talagang nais ng mga namumunong mag-aaaral ang buong suporta ng mga kapwa nila estudyante, dapat ay maging palagian ang kanilang mga pagpaparamdam at proyekto tungo sa pagpapatupad ng Magna Carta.

Alam kong hindi madali ang hakbang tungo sa implementasyon nito, ngunit positibo pa rin ako na maisasakatuparan ang pangako ng isang Magna Carta para sa mga mag-aaral ng UST bago man lamang ipagdiwang ng Unibersidad ang ika-400 anibersaryo nito.

*Unang nalathala sa The Varsitarian.

http://www.varsitarian.net/editorial_opinion/opinion/20090715/magna_carta_nasaan_na