Monday, September 20, 2010

Kamatayan at kamangmangan*

Hindi man biglaan, paunti-unti ay nagkakaroon na rin ng “kalayaan” ang mga pausbong na manunulat sa UST na sumulat ng akdang ayon sa kanilang mga sariling paniniwala. Gamit ang mga aral ni Santo Tomas upang malaman ang mali sa tama, darating ang araw na malaya na silang makasusulat bilang mga manunulat, at hindi lamang bilang mga Tomasino.



“BAKIT ang mga taga-UST mahilig magsulat tungkol sa kamatayan? Don’t you even know how to live?”

Itinanong ito ng premyadong kuwentista na si Jun Cruz Reyes sa mga kalahok sa Palihang Pampanitikan ng Varsitarian noong nakaraang taon. Napansin kasi niya na sa ilang taon niyang pagiging hurado sa Ustetika (ang taunang parangal pampanitikan ng UST) at kasama sa palihan, hindi mawawala ang mga lahok na katha na may tauhang namatay o kaya naman ay tumatalakay sa kamatayan.

Bukod umano sa nakakabagot at nakakasawa na ang ganitong uri ng katha, tila nagiging tatak na ito ng mga Tomasinong manunulat, lalo na ng mga baguhan. At maging ako, guilty sa gawaing ito. Sa unang palihang sinalihan ko, kuwentong kamatayan din ang isinumite ko.

Maaaring dala ito ng kamalayang kinagisnan sa loob ng pinakamatandang Katolikong pamantasan sa bansa. Dito, nagkakaroon ng pagkakaisa sa pag-iisip at pananaw ang mga Tomasinong manunulat sa mga bagay-bagay dahil pare-pareho ang kanilang naging oryentasyon sa iba’t ibang larangan gaya ng pilosopiya, relihiyon, sining, at kultura.

Gayunpaman, hindi nalilimitahan dito ang paraan ng pagsulat ng mga Tomasinong manunulat. Ayon sa makatang si J. Niel Garcia, pundador ng Thomasian Writers Guild at kasalukuyang nagtuturo sa UP, “the fact that a person is a graduate of UST makes him a Thomasian. But this does not necessarily become part of his writing. We write about things that affect us.”

Ngunit tila ang sinasabing “tradisyong Tomasino” ang nagtutulak sa mga umuusbong na Tomasinong manunulat na lalong kumawala sa mga gapos nito. Minsan nang sinabi ng mandudulang si Jun Lana na dahil isang relihiyosong institusyon ang UST, mayroon umanong “suffocating censorship” sa UST lalo na sa mga akdang tumatalakay sa mga sensitibong isyu. Aniya, kung magpapatuloy ito, lalong mapagiiwanan na ang UST.

Isang halimbawa nito ang hindi pagpayag ng Office for Student Affairs (OSA) halos tatlong taon na ang nakaraan na itanghal ng Artistang Artlets ng Faculty of Arts and Letters ang kanilang dula dahil sa pagtalakay sa buhay ng isang kerida.

Sa mga ganitong pagkakataon naghahanap ng ibang kanlungan ang mga manunulat dahil hindi tanggap sa kanilang kinamulatan ang kanilang akda.

Sa mga nagdaang taon, ilan sa mga akdang nagwagi sa Ustetika ay tumalakay sa iba’t ibang isyu gaya ng homosekswalidad (na taliwas sa paniniwala ng simbahang Katolika), aborsyon, diskriminasyon, at maging mga problemang panlipunan. Sa katunayan, ang dulang tumanggap ng Rector’s Literary Award noong nakaraang taon ay ang kaninang nabanggit ko na umani ng censorship mula sa OSA.

Hindi man biglaan, paunti-unti ay nagkakaroon na rin ng “kalayaan” ang mga pausbong na manunulat sa UST na sumulat ng akdang ayon sa kanilang mga sariling paniniwala. Gamit ang mga aral ni Santo Tomas upang malaman ang mali sa tama, darating ang araw na malaya na silang makasusulat bilang mga manunulat, at hindi lamang bilang mga Tomasino.

* * *

Hindi maiiwasan sa online forums ang pagpapataasan ng ihi ng mga estudyante mula sa magkakaibang pamantasan. Minsang nagbabasa ako, isang pahayag ang nakapagpanting sa tainga ko. Aniya, hindi raw dapat ikumpara ang UST sa umano’y “Big Three” na mga pamatasan sa Katipunan, Diliman at Taft dahil sa “less stellar alumni roster” ng UST. Natawa na lamang ako.

Payo ko lamang sa kaniya (sakaling mabasa niya ito), subukan niya munang magsaliksik bago siya magbitiw ng “kamangmangan.” Hindi malayong Tomasino pala ang propesor na nagbibigay ng “de kalidad” na edukasyon sa kanilang pamantasan.

*Unang nalathala sa The Varsitarian.

http://www.varsitarian.net/editorial_opinion/opinion/20091006/kamatayan_at_kamangmangan

Magna Carta, nasaan na?*

ILANG buwan na lamang ang nalalabi at lilisanin ko na ang pamantasang ito ngunit hanggang ngayon, wala pa ring kasiguraduhan ang pagpapatupad ng Magna Carta for Students Rights sa UST.

Napakalinaw nang lahat dalawang taon na ang nakararaan. Ayon kay Reyner Villaseñor, noo’y pangulo ng Central Student Council (CSC), nagbigay ng katiyakan ang noo’y rektor ng Unibersidad na si P. Ernesto Arceo, O.P. na gagawin niya ang lahat upang maaprubahan ang charter sa ikalawang semestre ng taong 2007.

Upang mapaigting ang kampanya, nagpaskil rin ng mga kopya ng mungkahing Magna Carta sa buong Unibersidad upang maging bukas ito sa mga mag-aaral. Sinabi rin ni Villaseñor na magkakaroon ng plebisito bandang Disyembre 2007 upang maaprubahan ng mga estudyante ang charter.

Ngunit nang magbitiw sa kanilang puwesto ang tatlo sa pinakamatataas na opisyal ng UST kasama si Arceo bago matapos ang unang semestre, tila nagdilim ang pag-asang maisasakatuparan pa ang pagpapatupad ng Magna Carta na magsisilbing proteksyon sa mga karapatan ng mga mag-aaral.

Nagdaan ang Paskuhan ngunit walang plebisitong naganap. Nagdaan ang eleksiyon ng mga bagong student leaders nang walang Magna Carta na napagtibay. Naging lumang tugtugin na naman ng mga nag-aasam na mamuno sa student body ng UST ang pangako ng isang Magna Carta. Panibagong taong pang-akademiko ang nagdaan na wala man lang nabalitaan sa itinatakbo ng Magna Carta.

Sa panayam ng Varsitarian noong Mayo kay Angelo Cachero, pangulo ng CSC noong nakaraang taon, sinabi niyang ginawa naman ng kanyang administrasyon ang lahat upang maipatupad ang charter ngunit kulang ‘di umano sa pakikilahok ang mga mag-aaral.

Ngunit maisisisi nga ba sa pagiging hindi aktibo ng mga estudyante ang pagkakabinbin ng pagpapatupad ng Magna Carta? Paano sila magiging aktibo sa pagsuporta kung hindi kungkreto at kaayon ang mga hakbang upang ipaalam sa kanila na may charter na naghahangad na proteksiyunan ang kanilang mga karapatan? Sapat na ba ang isang photocopy ng Magna Carta na nakapaskil sa bulletin board ng lokal na student council para mamulat sila? Hindi.

Kung gayon, masasabi ba natin na kulang ang kakayahan ng mga namumuno sa student government na maitulak ang implementasyon ng Magna Carta? Taun-taon ay nagbabago ang mga nakaupo sa student council at taun-taon din ay may iba’t ibang mga proyekto’t plataporma na kadalasan ay short-term goals lamang. Kung sana’y may consistency ang mga hakbang ng mga nagtutulak para sa implementasyon ng charter, hindi na aabutin pa ng halos limang taon ang paghihintay sa Magna Carta mula pagbalangkas nito noong Oktubre 2004.

Masisisi rin ba ang administrasyon ng UST na maaaring humahadlang sa pagpapatupad ng Magna Carta? Sinabi ni Florentino Hornedo, propesor sa Faculty of Arts and Letters, sa ulat ng Varsitarian noong Abril 2008 na maaaring may “insecurities” sa pagitan ng mga mag-aaral at ng administrasyon. Aniya, “There should be a high level of knowledge, confidence, and mutual respect on both sides for us to see the Magna Carta as a pedagogical tool to help make the students mature in their respective academic responsibilities.”

Siguro’y may pagkukulang ang bawat isa kung bakit hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin ang implementasyon ng Magna Carta, na ang tanging hangad lamang ay magbigay proteksiyon sa mga mag-aaral.

Ilang rebisyon na ang pinagdaanan ng Magna Carta kaya’t inaasahan kong maayos na ang mga “butas” na nakita ng mga nakaraang pinuno ng CSC at Central Board of Students. Sinabi naman ni Cachero na naisumite na nila ang charter sa administrasyon ng UST bago natapos ang kanyang termino.

Ngunit kung talagang nais ng mga namumunong mag-aaaral ang buong suporta ng mga kapwa nila estudyante, dapat ay maging palagian ang kanilang mga pagpaparamdam at proyekto tungo sa pagpapatupad ng Magna Carta.

Alam kong hindi madali ang hakbang tungo sa implementasyon nito, ngunit positibo pa rin ako na maisasakatuparan ang pangako ng isang Magna Carta para sa mga mag-aaral ng UST bago man lamang ipagdiwang ng Unibersidad ang ika-400 anibersaryo nito.

*Unang nalathala sa The Varsitarian.

http://www.varsitarian.net/editorial_opinion/opinion/20090715/magna_carta_nasaan_na

Friday, April 17, 2009

Diploma

Diploma
Ni Mark Andrew S. Francisco

Habang nagpapalit ng damit pantulog, nakita ko ang college diploma ko na nakatago sa kabinet kasama ng mga damit. Hindi ko muna ito isinabit sa pader dahil kapag nakita ito ni Tatay, baka magalit na naman siya sa akin. Pinapaalala kasi nito ang pagsuway ko sa kagustuhan niya. Kinuha ko ito at saka pinagmasdan.

Natapos ko naman ang kursong gusto ko pero bakit nag-aalangan akong pumunta sa interbyu bukas?

***

Mas mabuti pa yata kung nagdyip na lang ako kaysa nag-FX. Kaya nga ako nag-FX para hindi ko maramdaman na tag-init na pala. Kaya lang, halos wala nang maibugang lamig ang air-con. Naka-long sleeves pa ako kaya’t halos maligo na ako sa pawis. Sayang lang ang ibinayad ko.

Trapik pa kanina. Muntik na akong ma-late sa interbyu sa isang call center sa Ortigas. Buti na lang, may nauna sa akin. Sabi nga nila, first impressions last. Nakakahiya naman kung hindi naging maganda ang bungad ko sa magiging boss ko.

“Mr. Patrick Reyes. Pasok na po kayo sa loob,” sabi ng sekretaryang nagbabantay sa aming mga aplikante. Kinuha ng sekretarya ang aking mga ipinasang requirements kasama na ang kopya ng diploma ko.

Kinabahan ako pagpasok sa opisina ng mag-iinterbyu sa akin. Malamig naman sa loob ng opisina pero tumatagaktak ang pawis ko.

“Take a seat, Mr. Reyes,” bungad sa akin ng mag-iinterbyu na may bahid ng katarayan ang boses. Lalo pa akong kinabahan nang magsimula siyang magtanong.

“So you’re a Journalism graduate. Siguro hindi ka mahihirapan sa training,” sabi niya habang tinitingnan ang resume ko.

“Are you willing to work on a graveyard shift?”

“Yes Ma’am. I’m very willing.”

“So I think wala na akong dapat pang itanong.”

Ganoon lang? Parang sayang naman ang kabang naramdaman ko at ang isinuot ko kung ganoon kaikli lang ang interbyu niya sa akin.

“You have impressive credentials. Student-assistant and cum laude graduate ka pa. Siguro pinagkakaguluhan ka kung saan ka man mag-apply. Bakit dito mo gusto magtrabaho?”

“Because I want to earn money?” Hindi ko talaga alam ang dapat isagot.

Napansin ko ang reaksyon niya. Tila napangiti siya sa isinagot ko.

“I like your honesty,” sabi niya pagkatapos ay isinara ang folder na naglalaman ng resume ko. “That’s all. We’ll call you anytime this week.”

Habang papalabas ng gusali, naisip kong sa libu-libong nagtapos sa kolehiyo ngayong taon, mapalad na ako kung matatanggap ako dito. Hindi man ito ang gusto ko, mas mabuti nang may kinikita kaysa maging pabigat ako sa pamilya ko.

Malaking isyu sa pamilya namin na journalism ang kursong kinuha ko. Sabi ni Tatay, sayang lang daw ang ibabayad niyang matrikula dahil hindi naman daw ako kikita ng malaki sakaling magtapos ako dito.

Pero nagmatigas ako. Inilihim ko sa kanya na nag-confirm na ako ng enrolment sa kursong ito. Buong akala niya, civil engineering ang kinuha ko.

Ang alam ko, nais ni Tatay na maging inhinyero noong kabataan niya. Kaya lang, wala namang sapat na pera sina Lolo’t Lola kaya’t ipinasok si Tatay ng kanyang tiyuhin sa isang training program para maging bumbero.

Noong bata pa lang ako, madalas niyang sabihin sa akin na dapat daw ay maging inhinyero ako para matupad ko ang pangarap niya. Pero kahit kailan, hindi sumagi sa isip ko ang kumuha ng engineering.

Kaya lang, hindi ko rin naitago sa kanya ang ginawa ko. Halos umusok ang tainga niya sa galit nang makita niya sa registration form ko na sinuway ko ang gusto niya.

“Sa susunod na semestre, bahala ka na kung saan mo kukunin ang ipambabayad mo sa pangmatrikula mo!”

Halos isumpa niya ako, pero pinanindigan ko ang naging desisyon ko.

Nang magsimula na ang unang semestre, talagang nagsunog ako ng kilay para maipakita ko kay Tatay na kaya kong panindigan ang naging pasya ko. Nagbunga naman ang pagsisikap ko dahil nakapasok ako sa dean’s list. Pero hindi natinag si Tatay. Pinanindigan pa rin niya na hindi siya magbibigay ni isang kusing para sa pag-aaral ko.

Gusto ko sanang ipamukha sa kanya ang karapatan ko bilang anak niya na pag-aralin niya, pero parati akong nauunahan ng hiya dahil sa hindi ko pagsunod sa gusto niya. Kung kaya noong mga oras na iyon, napagdesisyunan kong ako na mismo ang gagawa ng paraan para matupad ang pinili ko para sa akin.

Lakas-loob akong nagpasa ng mga requirements, kumuha ng IQ tests, at sumabak sa sunud-sunod na interbyu upang matanggap bilang student-assistant sa unibersidad. Sa awa ng Diyos, isa ako sa mga napili para magtrabaho sa silid-aklatan.

Hindi biro ang pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral pero hindi naman ako umabot sa puntong mag-drop ng mga klase para makapag-duty. Araw-araw din akong umuuwi ng gabi, at hindi ko na mabilang kung ilang beses na rin akong pinagagalitan ni Tatay sa tuwing uuwi nang gabi kahit alam niyang trabaho ang dahilan ng pag-uwi ko ng gabi.

Pero hindi sumagi sa isip ko ang maglayas. Kahit madalas akong bulyawan ni Tatay. Ang importante ay sinusustentuhan pa rin niya ang aking mga pangangailangan maliban sa aking pag-aaral.

***

“Kuya, kanina ka pa hinihintay ni Tatay,” bungad sa akin ni Nica pagpasok ko sa bahay.

Nakita ko si Tatay na nakaupo sa may hapagkainan. Maaga siyang umuwi. Dapat ay on-duty siya ngayon. Tinawag niya kami upang sabay-sabay na kumain.

“Ano? Natanggap ka ba?” tanong ni Tatay.

“Tatawagan na lang daw po ako.”

“Sinasabi ko na nga ba. Wala kang mapapala sa kursong tinapos mo. Kung nag-engineering ka na lang sana, madali ka pang makakahanap ng trabaho basta nakapasa ka sa board exam.”

Hindi ako umimik at pinagpatuloy ang pagkain.

“Mag-call center ka na lang tulad ng mga pinsan mo. Siguro naman kahit papaano magagamit mo doon ‘yang pinag-aralan mo.”

Tumayo ako at inilagay ang pinagkainan sa lababo. Matapos maghugas ng kamay, umakyat na ako sa kuwarto.

“Nakakainis talaga siya. Wala siyang karapatan na sabihin iyon sa akin dahil ako mismo ang nag-paaral sa sarili ko.” Kausap ko sa telepono si Jay, ang matalik kong kaibigan.

“Hayaan mo na lang ang Tatay mo, Patrick. Ang mas mahalaga ngayon, makahanap ka ng trabaho para makatulong ka sa pamilya mo. Siya nga pala, kamusta naman iyong interbyu mo kanina?”

“Tatawag daw within this week kung tanggap daw ako.”

“Siguro naman tatanggapin ka nila dahil lamang ka na ng job experience sa ibang aplikante.”

Pareho kami ni Jay na student-assistant noong kolehiyo. Naalala ko pa na siya ang nagpatatag ng loob ko noong mga oras na gusto ko nang sumuko.

Minsan habang naka-duty, may isang mag-aaral na naghahanap ng isang libro na hindi ko makita. Sa inis niya, sinabihan niya akong: “Pinag-aaral lang kita kaya dapat gawin mo ng maayos ang trabaho mo.”

Hindi ko na napigilan ang mapaluha. Sa hirap at pagod na ibinuhos ko sa pag-aaral at pagtatrabaho ng maayos, hindi yata tamang makarinig ako ng masakit na salita mula sa kanya. Lumapit sa akin si Jay at sinabing intindihin ko na lang ang estudyante.

“Tayo na lang ang umintindi, Patrick. Ang importante, ginagawa natin ang kung ano sa tingin natin ang tama.”

Bilib nga ako kay Jay. Kahit na mas gusto niya ang kumuha ng kursong literature, mas pinili niyang mag-nursing para mapagbigyan ang kahilingan ng kanyang mga magulang. Kahit halos hindi na siya nakakatulog para makapag-duty sa ospital, sa silid-aklatan, at mag-aral para sa mga pagsusulit, tinitiis niya. Kaya nga kapag siya ang nagbibigay ng payo, nakikinig ako dahil alam kong mula iyon sa karanasan niya.

“Kamusta naman ang pag-a-apply mo sa media companies? May tumawag na ba sa’yo?” tanong ni Jay, pagpapatuloy ng pag-uusap namin.

“Wala pa. Nang ako naman ang tumawag, wala pa raw bakante.”

“Bakit hindi ka na lang kasi tumuloy sa call center?”

Ipinangako ko talaga sa sarili ko na kapag nakapagtapos na ako ng pag-aaral, hinding-hindi ako papasok sa call center. Pakiramdam ko kasi, hindi ako uunlad bilang isang tao kung doon ako magtatrabaho.

“Nasa sa iyo naman ‘yan kung hahayaan mo ang sarili mo na ma-stuck sa call center.”

Nakita kong nakasilip si Nica sa pintuan kaya’t ibinaba ko ang telepono at pinapasok siya sa kuwarto.

“Kuya, may tumawag galing sa Pilipino Star. May interbyu ka raw bukas sa Port Area. Sabi ni Tatay, huwag ko raw sabihin sa iyo pero naisip kong mas gusto mo naman doon, ‘di ba?” sabi niya sabay yakap sa akin. “Pupunta ka ba doon bukas?” usisa niya.

Hindi ko alam kung anong dapat isagot. Lumabas si Nica ng kuwarto.

***

“Kuya, telepono. May naghahanap sa iyo,” sabi ni Nica habang ginigising ako.

Kinausap ko ang taong nasa kabilang linya. Pagkababa ng telepono, napansin kong hawak ko pala ang diploma ko. Nakatulog pala ako habang hawak iyon. Pumasok ako sa banyo para maligo.

Maayos ang air-con ng sinakyan kong FX. Walang trapik. Sandaling tumigil ang sasakyan. Tinitigan ko ang traffic light. Naalala ko si Tatay. Kasing pula ng ilaw ang galit ni Tatay sa akin nang hindi ko siya sinunod sa kanyang kagustuhan.

Itiniklop ko ang manggas ng suot kong long sleeves. Naguguluhan pa rin ako sa dapat kong gawin. Nag-text ako kay Jay. Agad siyang sumagot.

“Kung naguguluhan ka, isipin mo na lang na para kang nag-e-exam. Just choose the best answer.”

Muli kong ibinaling ang aking tingin sa traffic light. Naging berde na ang ilaw. Ilang minuto pa ang tinakbo ng FX. Malapit na ako sa opisina. Pagkababa sa sinasakyan ay pumasok na ako sa gusali.

Masikip ang daanan papasok sa gusali dahil maraming papalabas. Katatapos lang yata ng shift nila. May mga mabagal maglakad habang nagka-kape at mayroon namang nagmamadaling makalabas. Pero iisa ang napansin ko sa kanila: tila inaantok na sila at may malalaking eyebags.

Nang makarating sa conference area ay nakita ko ang sekretarya. Ipinakilala niya ako sa iba pang makakasama ko. Nasa sampu kaming tinanggap sa kumpanya. Dadaan daw muna kami sa communication skills training sa loob ng isang buwan bago tuluyang sumabak sa pagtatrabaho. Ang maganda pa, may suweldo na kami kahit nagte-training pa lang.

Umuwi ako kaagad matapos ang orientation. Habang nasa biyahe papauwi, nag-text ako kay Jay.

“Sabi na nga ba, tatanggapin mo rin ang trabahong iyan. Huwag ka nang mag-isip pa. At least, napagbigyan mo ang Tatay mo ngayon,” sagot ni Jay.

Nasa bahay na si Tatay. Maaga na namang natapos ang duty niya. Inabot ko ang kanyang kamay at saka nagmano. Papasok na sana ako sa kuwarto nang magsalita siya.

“Sinabi pala sa iyo ni Nica na may tumawag mula sa isang diyaryo. Pinuntahan mo ba?”

Tinitigan ko siya. Hindi ko mabasa sa mukha niya kung anong gusto niyang ipahiwatig. Akmang bubuksan ko na ang pinto ng kuwarto ko nang magtanong siya.

“Saan ka ba galing?”

“Orientation ko po sa call center kanina.”

Hindi ko na hinintay ang sasabihin niya. Pumasok ako sa loob ng kuwarto at saka nagpalit ng damit.

*Unang nailathala sa The Varsitarian Vol. 80 No.10

Thursday, April 9, 2009

Truly Filipino

An Analysis of Ballet Philippines' Neo-Filipino
By Mark Andrew Francisco

Dancers clad in filipinianas and camisa de chino, modified Moslem-inspired costumes and, outfits akin to the pintados – one might find Ballet Philippines’ Neo-Filipino another walk down history lane. But as the danseurs with exultant faces start to prance to the rhythm of the ensemble amplified by brilliant lighting, one would find his eyes glued on the stage.

As a finale of Ballet Philippines’ 39th season, Neo-Filipino is divided into three parts: “Ulaging – Daog-dog Sa Sang Libong Kulog,” “Amada,” and “KatiTaog.”

Choreographed by Alden Lugnasin, “Ulaging – Daog-dog Sa Sang Libong Kulog” tries to unmask the environmental problems faced by the Lumads in Mindanao – logging, mining wastes, and eviction. Dressed in nature-colored outfits, the dancers’ movements bear a resemblance to tribal wars, as if struggling to save their territories from harm. The fusion of the contemporary moves and ethnic music by Roberto Aves, vocals from Grace Nono, adds drama to the almost flawless performance.

Taking inspiration from the late National Artist for Literature Nick Joaquin’s “Summer Solstice,” the second set titled “Amada” delves into the enigma of the “Tadtarin” ritual. From the choreography of Alice Reyes with musical scores of the late National Artist for Music Lucresia Kasilag., “Amada” opens with a couple, a man dressed in pure white coat and pants and a lady, in a black dress, dancing in a less grounded manner, and more “balletic” than the first one. Soon after, the corps de ballet emphatically marches in, with females dressed in filipinianas and males in camisa de chino. The scene becomes gloomy when the lady in black dress is transformed during the ritual (represented from changing the dress to red). From there, the female danseurs dominate the stage with the males wearing the tapis to show subservience. The lead’s red dress enhanced the dance work by adding dynamism, thus emphasizing the women’s ascendancy over men.

Ballet Philippine’s artistic director Max Luna III makes sure the performance will end on a high note. “KatiTaog” draws inspiration from the Pangalay, the traditional fingernail dance of the Tausugs in Southern Mindanao. The live act from Kalayo (formerly Pinikpikan band) added to the festive mood since the fingernail dance is customarily performed during weddings and other jovial events. Aside from the bright lighting, adding to the mood is the striking metallic costumes of the dancers. Those of the men resemble boxing shorts, exposing their torsos to show dexterity and flexibility while doing dance routines resembling martial arts. The females, on the other hand, have body-fit costumes so as add emphasis to the dances that involve the shaking of the hips. True enough, the performance ended in a festive manner for it received a standing ovation from the ecstatic audience.

Although the story of the presentation is, at first, not easy to decipher, appreciation is very much deserved by the dancers in all the parts of the performance. Their moves, including their gestures, greatly expose the emotions that the dances require. The excellent lighting in all parts perfectly complemented the set design in each performance. Say for example, the use of green and blue lights in “Ulaging” helped showing the environmental issues the performance tried to depict.

All aspects considered, Neo-Filipino is an obvious attempt at enlivening the cultural heritage of the country.

Mascot

Mascot
Ni Mark Andrew Francisco

Madaling paniwalaan ang pagiging isang higanteng bubuyog ko. Suot ang kulay kahel na costume at mga pakpak na hindi naman ako kayang ilipad, ako’y sumayaw habang pilit na hinahabol ng mga paslit na gustong yakapin ang malambot kong katawan. Kaway dito, kaway doon ang ginawa ko. Kasabay ng pagtatapos ng party na pinalilibutan ng basura mula sa mga lalagyan ng pagkain ng fastfood, nagtapos rin ang pagtatago ko sa loob ng makulay na kasuotang ito.

Napalitan ng pagkahapo ang kanina’y ngiting nakaplasta sa mukha ko. Wala na akong dapat pang kawayan at pasayahing mga bata. Makakakilos na ako ng hindi nadidiktahan. Tapos na ang party.

“Paano Jay? Ikaw ulit ang mag-mascot sa mga susunod na party. May sakit kasi si Jun, wala naman siyang kapalit. Huwag ka mag-alala, may extra pay ka naman,” sabi ng manager namin.

Pauwi na ako. Katatapos lang ng Christmas party na ginawa sa fastfood restaurant na pinapasukan ko. Ako ang napili ng branch manager namin na mag-mascot ngayon. Kung kailan naman mag-pa-Pasko at maraming nagpa-party ang kumukuha ng mascot, ngayon pa ako napili. Nakakapagod, pero okay na rin ito. Siguradong may pangdagdag na sa pang-shopping para sa anak kong si Niño.

Nagtatampo na nga sa akin ang batang ‘yun. Paano ba naman? Simula nang mag-Grade one siya, hindi pa ako nakapunta, o naihatid man lang siya sa Christmas party niya. Lagi pa naman niya akong pinapupunta dahil kakanta daw siya. Magaling kumanta ang anak ko. Lagi nga siyang champion sa contest na sinasalihan niya. Pero ni minsan, hindi ko pa siya napakinggan kumanta.

Tulog na si Niño pag-uwi ko. May nakadikit na sulat sa pinto ng refrigerator namin.

“’Tay, Christmas party namin sa Biyernes. Punta ka ha.”

* * *

Napakasaya ko! Nang tingnan ko kasi iyong sulat na iniwan ko sa ref kagabi, sumagot si Tatay, pupunta raw siya sa party.

Noong isang taon kasi, hindi na naman siya pumunta. Lagi siyang nasa trabaho. Inggit na inggit nga ako noon sa mga kaklase ko. Bago na ‘yung mga damit nila, kasama pa nila ang magulang nila. Pero ako, bago nga ang suot, mag-isa naman sa party.

Gustong-gusto ko pa naman sumali sa mga palaro. Magka-partner ang magulang at anak, pero dahil nga wala si Tatay, hindi ako puwede sumali. Wala tuloy akong naiuwing premyo. Pero dahil pupunta si Tatay sa Biyernes, makakapaglaro na rin ako.

Sa wakas, nakahanap na si Tatay ng oras mula sa pagtatrabaho para samahan ako.

* * *

Nakakapagod talagang mag-mascot. Tulad ng inaasahan, pinagkaguluhan na naman ako ng mga bata sa pinanggalingan kong party sa isang eskuwelahan. Sumayaw na naman ako ng sumayaw hanggang sa sumakit ang tiyan ng mga bata sa katatawa.

“Jay, sa Biyernes nga pala, may pupuntahan ka ulit na party. Dito kasi sila um-order ng pagkain at kasama sa package iyong appearance ng mas cot,” sabi ng manager namin habang iniaabot ang extra pay para sa pagma-mascot ko ngayong araw.

“Kasi po Si...”

“May problema ba, Jay? Pasensya ka na ha, ikaw lang kasi ang pupuwede.”

“A, e, no problem po Sir. Akong bahala sa mga chikiting,” sagot ko.

Paano na ngayon ‘yan? Nakapangako na ako sa anak ko na pupunta ako sa party nila. Lalong magtatampo sa akin si Niño. Kung bakit kasi tinanggap ko pa ang pagma-mascot na ito. Hindi sana ako mamumroblema kung tumanggi ako.

Kaya ko naman pinipilit kumita ng mas malaki dahil ayokong matulad ang buhay niya sa sinapit ko dati nang iwanan kami ni itay nang magkaroon siya sa ibang pamilya. Naglalabada lang si Inay noon at hindi rin naman sapat ang kinita niya sa araw-araw kaya sa pampublikong paaralan lang ako nag-aral. Ayokong maranasan ni Niño ang hirap na pinagdaanan namin ni Inay noon. Gusto kong maranasan ng anak ko ang pumasok siya sa isang pribadong paaralan.

Tumutulong naman ang Inay ko sa pagpapaaral kay Niño. Subalit ayoko naming akuin nila ang responsibilidad na dapat kong harapin sa napakaagang edad. Labingwalong taong gulang pa lang ako nang mabuntis ang Mama ni Niño. Ipinakasal kaagad ng mga magulang namin. Nang malaman sa pamantasan na pinapasukan ko na nakabuntis ako, nawala ang scholarship ko at tuluyan na akong hindi nakapag-aral. Dahil sa hindi ako nakatapos ng pag-aaral, hirap akong makahanap ng trabahong magbibigay ng mataas na sahod. Mga magulang pa ng asawa ko ang sumagot sa panganganak niya. Pero hindi kinaya ng Mama ni Niño ang panganganak. Simula noon, mag-isa kong hinarap ang pagpapalaki kay Niño.

Siyam na taon na rin ang nakalipas. Siyam na taon na lagging contractual ang nagiging trabaho ko. Naging ahente na ako ng life insurance, naging sales man sa mall, at ngayon, dalawang taon bilang crew sa isang fastfood restaurant. Alam kong hindi sapat ang kinikita ko kaya’t pumayag na rin akong mag-mascot. Para naman maibigay ko sa anak ko ang kung anumang gustuhin niya.

* * *

Sinundo ako ni Tatay sa eskuwelahan kanina. Namili kami ng damit na isusuot ko bukas. Excited na talaga akong mag-party kasama si Tatay. Ano kaya ang magiging reaksyon niya kapag narinig niya akong kumanta?

Bago kami umuwi, pinanood namin ni Tatay ang palabas ng mga gumagalaw na mannequin sa Greenhills. Lagi na naming ginagawa iyon sa tuwing mamimili kami.

Napakaganda ng palabas. Bukod sa mga mannequin na tao, mayroon ding parang kabayo. Sinakyan pa nga ni Mama Mary ‘yung hayop papunta sa kubo. Isang malaking misteryo pa rin sa akin kung paano pinapagalaw ang mga mannequin na iyon.

“For God so love the world that He gave us His Only Son...” binasa ko ang nakasulat sa isa sa mga display sa palabas.

“Tatay, talaga po bang sa sobrang pagmamahal ng mga Ama sa mga anak nila, kaya nilang gawin lahat?” tanong ko kay Tatay, habang sakay ng dyip pauwi.

“Oo naman anak. Kahit ano, gagawin ko para sa iyo.”

“Pupunta ka bukas ha. Huwag na huwag mong kakalimutan.”

Ang tagal bago sumagot ni Tatay.

“Oo naman. Para sa pinakamamahal ko, pupunta ako,” sabi ni Tatay sabay kurot sa pisngi ko.

Parang naka-plasta na ang ngiti sa mukha ko nang sabihin ni Tatay na pupunta siya bukas. Ibinaling ko ang tingin sa mga patay-sinding ilaw sa mga bahay na nadaraanan ng dyip.

* * *

Malungkot akong naghanda sa pag-suot ng costume na naghihiwalay sa amin ng anak ko.

Tuluyan ngang natakpan ng costume ang nararamdaman ko. Hindi ko matutupad ang pangako ko kay Niño.

Ngunit laking gulat ko nang tumigil ang sinasakyan namin sa eskuwelahan na pinapasukan ni Niño.

“Anong room ba ang pupuntahan natin?” tanong ko sa kasamahan ko.

“Room 103 ang nakalagay dito, sa Grade Three yata ito.” Isinuot ko na ang ulo ni Jolly-V.

“Bago tayo magpatuloy, let us all welcome, Jolly-V!”

Tuwang-tuwa ang mga bata. Pumasok ako at sumayaw sa harapan. Nakisayaw naman ang mga bata sa akin. Yakap sila ng yakap sa malambot kong katawan. Pinaikot ko ang paningin ko. (Hindi ito ang klase ni Niño.)

Nang matapos ang party, agad-agad akong lumabas upang hanapin ang kuwarto nina Niño. Kunwari, nakikipaglaro ako sa mga batang nakakasalubong ko pero hinahanap ko na ang anak ko.

Dalawang kuwarto na ang nadaanan ko, hindi ko siya nakita. Sa ikatlo, nakita ko ang isang batang nakatayo sa gitna at kumakanta. Si Niño!

Kaya lang, hindi kaya matakot si Niño kung makita niya akong nakapang-mascot? Hindi tulad ng ibang bata, takot ang anak ko sa mga mascot. Sa tuwing makakakita siya ng mascot dati, lagi siyang umiiyak. Siguro, akala niya na hindi tao ang nasa loob ng mascot.

* * *

“Pasko na naman, ngunit wala ka pa. Hanggang kailan kaya ako maghihintay sa iyo…tanging hangad ko lang ay makapiling ka…” Umiikot ang mga mata ko habang kumakanta. Kahit sa pagkanta ko, umaasa pa rin akong darating si Tatay.

“Sana ngayong Pasko ay maalala mo pa rin ako. Hinahanap-hanap pag-ibig mo. At kahit wala ka na nangangarap at umaasa pa rin ako, muling makita ka, at makasama ka, sa araw ng Pasko.”

Kasabay ng palakpakan mula sa mga kamag-aral ko at mga magulang nila ang pag-iyak ko. Hanggang sa matapos ang kanta ko, hindi dumating si Tatay.

Bumalik ako sa upuan ko. Hindi ko mapigilan ang pag-iyak. Bawat kaklase ko, kasama ang mga magulang nila.

Naghiyawan ang mga kaklase ko nang makita nila si Jolly-V. Naalala kong doon nga pala nagtatrabaho si Tatay. Nilapitan nila ang mascot na nasa pinto.

Nagulat ako nang lapitan ako ng mascot at kinukuha ang kamay ko. Takot kasi ako sa mga mascot kaya hindi ko siya pinansin. Para kasing halimaw na nagtatago sa nakangiting mukha ang mga mascot.

Nagbibigay ng mensahe si teacher Mia kaya’t umupo ang lahat. Nasa loob pa rin ng silid-aralan namin si Jolly-V at walang kasamang mga bata. Lapitan ko kaya siya? Natatakot pa rin ako, pero sinubukan kong gayahin ang ibang mga bata. Niyakap ko si Jolly-V.

“Buti ka pa Jolly-V, nandito. pero ang Tatay ko wala. Para sa kanya pa naman ‘yung kanta ko kanina.”

Napakagaan ng pakiramdam ko nang yakapin ako ni Jolly-V. Isang tahimik at nakaplastang pagngiti lang ang sinukli ng mascot.

*Unang inilathala sa The Varsitarian Vol. 80 No. 7

Pagod na ako

Pagod na ako
Ni Mark Andrew Francisco

ILANG hakbang na lang at makakapasok na ako sa kuwarto mo. Ilang hakbang na lang at makikita na kitang muli matapos akong kumawala sa mundo mo. Ngunit bago ko pa man naihahakbang ang aking mga paa, hindi ko na mapigilan ang pag-iyak. Hindi kita dapat iniwan.
Kung ibang pasyente lang sana ang nasa loob ng kuwarto, hindi na ako mag-aalinlangan pang pumasok. Bilang nars, responsibilidad kong siguraduhing maayos ang kalagayan ng pasyente ko. Pero bakit hindi ko magawang pumasok sa kuwarto mo para kamustahin ka? Kung hindi pa ako tinawagan ni Ate para sabihin na nasa ospital ka, hindi ko pa malalaman ang kalagayan mo.
“Kamusta na siya, Ate?” Agad kong itinanong sa kanya, paglabas niya sa kuwartong kinalalagyan mo.
“Stage four na raw ang kanser sa baga ni Papa,” umiiyak na sinabi ni Ate. “Pero ayaw niyang magpa-chemo.”
Lalo akong binagabag ng mga sinabi ni Ate tungkol sa iyo. Bakit nawalan ka na ng pag-asa? Bakit ayaw mo nang lumaban upang mabuhay? Hindi ka naman ganyan dati.
“Gusto ka niyang makita, Cassandra.”
Hindi ako makasagot. Patuloy lang ako sa pag-iyak. Hindi ko alam kung kaya kong makita kang nakaratay sa kama at nanghihina. Hindi man naging maganda ang pagsasama natin noon, hindi ko naman ginustong magkaganyan ka.
* * *
Nakakapagod maging anak mo!
Kung may mapagpipilian lang ako, matagal na akong umalis sa mala-impyernong “mundo” mo kung saan suspendido lahat ng karapatan. Pati ang paglilibang ko, hindi mo pinalagpas.
Katatapos ko lang sa isang linggong pagkuha ng pagsusulit at pagdu-duty sa ospital para sa finals ng first semester nang magpaalam ako sa iyong lumabas kasama ng mga kaibigan ko. Pagod na pagod ako ng mga panahon na iyon. Nakaka-drain talaga ng utak mag-aral ng Nursing lalo na kapag hindi mo naman talaga gusto ang kursong ito. Alam mo namang painting ang gusto kong kuning kurso dahil iyon ang hilig ko. Pero talagang pinagpilitan mong mag-nursing ako dahil dito kamo “tayo” kikita ng maraming pera kung sakaling makapagtrabaho ako sa Amerika. Sa awa ng Diyos, nasa ikatlong taon na ako at hindi pa naman nalalagay sa probation. Consistent dean’s lister pa rin ako na siyang lalong nagpapasaya sa iyo.
“Pa, nagyayaya po ‘yung classmate ko, magna-night swimming po kami sa Sabado, puwede po ba akong sumama?” sabi ko sa iyo sa pag-asang papayagan mo akong umalis ng bahay dahil sembreak naman.
“Hindi. Mas mahalaga ‘yang pag-aaral mo. Mag-review ka na lang,” sabi mo sabay inom sa katitimpla ko pa lang na kape para sa’yo. “Paki-abot nga iyong dyaryo.”
“Pero Pa, tapos na naman ang finals namin at sembreak na naman po. Sige na.“
“Hindi nga puwede. Walang magbabantay dito sa bahay!” Bumalik ka sa pagbabasa ng dyaryo. Wala na akong nagawa kundi magtungo sa aking kuwarto.
Bad trip! Bihira lang naman ako umalis ng bahay! Halos buong buhay ko, inilaan ko sa pag-aaral at pagsunod sa mga kagustuhan mo. Nagpapaalam naman ako ng maayos. Isang gabi lang ang hinihiling ko sa’yo. Isang gabi upang makalimutan kong kasama ko sa iisang bubong ang isang “hari” na tulad mo. Mabuti nga hindi ako tumatakas tulad ng ginagawa ng mga kapatid kong matagal nang nasusuka sa pag-uugali mo.
Kung alam ko lang, kailangan mo lang naman ng utusan dito sa bahay kaya’t hindi mo ako pinayagan. Ako na lang kasi ang kaya mong bolahin at utusan sa aming magkakapatid. Sina Ate at Kuya kasi, matagal nang nagsawa sa paghahari-harian mo rito sa bahay. Kung iisa-isahin ko sa iyong harapan ang mga hinanakit ng mga kapatid ko, kulang pa ang oras na ginugugol ko sa pagdu-duty sa ospital. Siguro nga’y napakamanhid mo.
“Cassandra, iligpit mo itong tasang pinag-inuman ko ng kape. Bilisan mo.” Sigaw mo na umaalingaw-ngaw sa buong kabahayan.
Ilalagay mo na lang sa lababo ang tasang ginamit mo, kailangan mo pang mang-istorbo ng iba. Hinugasan ko ang tasang ginamit mo. Kung sana, sa bawat pagsabon ko sa tasang ginamit mo’y nasasabon rin ang maduming kalooban mo, ayos na sana. Kung sa bawat banlaw na ginagawa ko’y naaalis din ang kahipokritohan mo, sana wala nang magiging problema. Sana.
“Aba’y tanghali na’t nakahilata pa rin iyang Kuya mo. Gisingin mo na siya kung hindi bubuhusan ko siya ng kumukulong tubig. Hanapin niya kamo ang Ate niyong naglamiyerda na naman.”
Nagtungo ako sa kuwarto ni Kuya. Hindi naman nakasarado ang pinto kaya’t pumasok na ako. Ang sarap ng tulog niya, humihilik pa. Wala pang isang oras siyang natutulog. Kauuwi lang niya galing sa trabaho. Graveyard shift kasi si Kuya sa pinapasukang call center. Nakakaawa naman kung gigisingin ko siya kaagad. Umupo na lang ako sa tabi niya.
Mukhang hindi mo yata naiintindihan na kagagaling lang nung tao sa opisina. Kumayod ng magdamag para may maibigay sa iyong pera. Hindi ba’t ikaw naman ang pumilit kay Kuya na pumasok sa call center para lumaki ang sinusuweldo niya? Sayang lang ang pagiging lisensiyadong titser niya. Ikaw naman ang pumilit na kumuha siya ng education sa kolehiyo ‘di ba? Ang labo mo talaga!
“O, Cassandra, nariyan ka pala,” nagising si Kuya nang umupo ako sa kanyang kama.
“Sorry Kuya, na-istorbo ko ang pagtulog mo. Si Papa kasi, pinapagising ka. Hanapin mo raw si Ate, kahapon pa hindi umuuwi e.”
“Hindi pa nasanay si Papa,” sagot ni Kuya.
Kahit na wala pang sapat na tulog, tumayo na si Kuya’t nagbihis ng pang-alis upang sundin ang inuutos mo.
Dalawang araw nang hindi umuuwi si Ate. Hindi ka na ba nasanay? Nasa kolehiyo pa lang si Ate, madalas na siyang naglalayas. Hindi lang naman siya, pati si Kuya, ilang beses ding nagtangkang umalis sa bahay na ito. Pero nadadaan mo sila sa pagmamakaawa mo. Babait ka pagkabalik nila pero makalipas ang isang linggo, balik ka na naman sa paghahari-harian mo. Kesyo kailangan naming pagtuunan ng pansin ang pag-aaral, matuto ng mga gawaing-bahay at kung anu-ano pa. Naiintindihan naman namin iyang mga bagay na iyan. Ang nakakainis lang, ang lakas ng loob mo na sabihan kaming matutong mabuhay ng walang inaasahan pero ikaw itong hindi marunong sumunod sa sarili mong mga patakaran.
Ikaw nga diyan, pahila-hilata lang sa maghapon, magpapatimpla ng kape, magbabasa ng dyaryo sa umaga, matutulog sa tanghali, magkakalikot ng sasakyan sa hapon at matutulog ng maaga sa gabi. Naturingan kang tatay pero si Mama ang nagpakahirap sa London para lang mapag-aral kaming magkakapatid. Kung hindi lamang sana binawian ng buhay si Mama limang taon na ang nakalipas, makikita sana niya kung anong klaseng ama ka at baka sakaling hindi ganyan ang pakikitungo mo sa amin.
Nang mamatay si Mama, nagbago ka na. Kung hindi ka umiinom gabi-gabi, umaalis ka naman ng bahay nang hindi namin alam. Minsan, nang umuwi ng gabi si Ate galing sa paggawa ng thesis sa bahay ng kaklase niya, nakita ka niyang may kasamang babae sa loob ng owner-type jeep natin habang gumagawa ng milagro. Hinintay ni Ate hanggang sa makauwi ka pero nang tanungin ka niya, itinanggi mo iyon. Naririnig ko ang pagtatalo niyong dalawa.
“Kitang-kita ng mga mata ko, Pa. Naghahalikan pa kayo nung babae mo sa sasakyan natin. Huwag ka nang magmaang-maangan.”
Pumasok si Ate sa kuwarto namin at umiyak ng umiyak. Doon nagsimula ang pagrerebelde niya sa iyo.
“Cassandra, magluto ka na ng pananghalian. Bilisan mo!”
Bumaba ako para magluto ng sinigang, ang paborito mo. Ulam na nanonoot sa asim habang pinakukuluan, parang ang umaasim na pakikitungo naming mga anak mo sa iyo habang tumatagal. Sana’y sa ginagawa kong pagpapalambot ng karne sa pamamagitan ng pagpapakulo rito ay lumalambot din ang puso mo sa ginagawang pabor at sakripisyo naming magkakapatid para sa iyo. Ngunit talaga yatang hindi ka na magbabago. Pero kahit na naiinis na ako sa iyo, hindi ko pa rin magawang lagyan ng lason ang pagkain mo. Kahit ano kasing mangyari, ikaw pa rin ang Papa ko.
“Ang mga kapatid mo, nagkampihan na yata at hindi na bumalik!” Umaalingaw-ngaw ang boses mo sa buong kabahayan kinabukasan. Sira na naman ang araw ko pero galit man ako sa iyo, nagtimpla pa rin ako ng kape at ibinigay ko na sa iyo ang dyaryo. Iyon kasi ang aking nakasanayan. “Mabuti’t mabawasan ang tao sa pamamahay ko.”
Nagpanting ang mga tainga ko sa narinig ko. Pamamahay mo? Hindi lang naman ikaw ang nagpundar ng bahay na ito. Bunga rin ito ng pagsasakripisyo ni Mama. Ipinagpalit niya ang makasama tayo upang magsilbi sa ibang tao at kumita ng mas malaking pera sa ibang bansa nang matanggal ka sa pagiging pulis mo dahil nahuli kang nangongotong. Kaya’t huwag mong maangkin ang pamamahay na ito!
Napakasuwerte nila Kuya at Ate at hindi ka na nila makakasama. Isang walang pusong diktador na hindi matinag kahit ilang people power na ang magdaan upang pababain ka sa puwesto. Mapalad din si Mama dahil wala na siya sa mundong ito upang maranasan ang mamuhay kasama ka sa ganyang kalagayan. Mapalad sila, hindi tulad ko.
Pero maghintay ka lang. Sa oras na makapasa ako sa board exam, iiwanan na rin kita tulad ng ginawa ng mga kapatid ko. Tulad nila, pagod na rin akong maging anak mo.
* * *
Pinahid ko ang mga luha sa pisngi ko at saka napabuntong-hininga. Alam ko naman na darating ang pagkakataong magkikita tayong muli pero hindi ko inaasahan na sa ganitong sitwasyon.
Kasama si Ate, pumasok ako sa kuwarto mo. Natutulog ka kaya’t umupo na lamang kami sa sopa sa tabi ng higaan mo. Pinagmasdan ko ang iyong pagmumukha. Ang laki ng pinagbago mo. Namayat ka. Mababakas din sa iyong noo ang katandaan. Ibang-iba ka na sa “haring” aking nakasama noon. Napansin ni Ate ang aking pagkabagabag.
“Hindi ka ba makapaniwala sa kanyang pagbabago?” pasimula ni Ate. “Ako rin noong una hindi makapaniwala. Noong bumalik ako matapos ng ilang taon sa bahay dala ang aking anak, akala ko papalayasin niya ako. Ewan ko ba kung dahil sa anak ko o dahil sa sakit niya pero nang makita niya ako, buong-puso niya akong tinanggap.”
“Ganoon ba…si Kuya naman, kamusta na?”
“Si Matt? Bumalik na siya sa pagtuturo,” sagot ni Ate sabay tingin sa suot niyang relos. “Papunta na rin siya dito. Hanggang alas-singko lang ang klase niya.”
“Bumalik na rin ba siya sa bahay?”
“Mahigit isang taon na rin ang nakalipas nang bumalik siya sa bahay,” sabi ni Ate. “Ikaw lang talaga ang hinihintay niya.”
Agad kaming nagyakapan ni Kuya nang dumating siya. Ilang saglit pa’y nagising ka na.
Hindi ka nagsalita. Ngumiti ka lamang habang tumulo naman ang luha mo. Ganap na kasayahan ang naramdaman ko. Ngayon ko lang nakita na umiyak ka. Hindi nga kita nakitang umiyak noong mamatay si Mama.
“Patawad…patawad…” Patuloy ka pa rin sa pag-iyak.
“Sshh. Kalimutan na natin iyan, Pa. Ang importante, nagbalik na po ako.” Niyakap kita. Nakita kong lumuluha rin sina Ate at Kuya.
Nakakatawang isipin na pagkatapos ng nakakapagod nating paglalakbay papalayo sa isa’t isa, heto tayong dalawa at ng aking mga kapatid, muling magkasama.
Sa wakas, pupuwede na tayong makapagpahinga.


*Unang inilathala sa The Varsitarian Vol. 80 No.3 (Filipino supplement)

Paggamit ng wikang Filipino sa loob ng korte

Paggamit ng wikang Filipino sa loob ng korte
Ni Mark Andrew Francisco

MADALAS na umalingaw-ngaw ang linyang “ang hustisya ay para sa mga mayayaman lamang” mula sa mga maralita habang kanilang ipinapahayag ang mga hinaing ukol sa ‘di umano’y hindi patas na “pagtrato” sa kanila sa loob ng hukuman.
Isang halimbawa nito ang nakasaad sa isang artikulo sa Inquirer.net tungkol kay Zosimo Buco, isang 27 taong gulang na magbabalut mula sa Leyte na lumuwas sa Maynila upang maghanap ng trabaho. Ngunit sa kasamaang palad, naakusahan siya ng pagbaril at pagpatay sa isang sibilyan sa Quezon City. Ipinagtapat niyang kinabahan siya sa paglilitis ng kanyang kaso dahil nahihirapan siyang makapagsalita at makaintindi ng wikang Ingles na ginagamit sa mga korte.
Tanging sa diyalektong Waray lamang matatas magsalita si Buco kaya’t laking pasasalamat niya nang isinagawa ang kanyang paglilitis sa wikang Filipino na nababatay sa Tagalog. Bagama’t hindi siya bihasa sa pagsasalita nito, mas naintindihan naman niya ang mga naganap sa kanyang paglilitis. Batay sa isinagawang pag-aaral ng Social Weather Stations (SWS) noong 2003, 46 na porsiyento ang nagsabing nahihirapan silang makaintindi ng Ingles.
Ang ganitong pagbibigay ng pagkakataong maipagtanggol ng mga nasasakdal ang kanilang mga sarili ay bahagi ng proyektong Forum on increasing access to justice: Bridging gaps and removing roadblocks ng Mataas na Hukuman. Layunin nito ang mapabuti ang pag-unawa ng mga nasasakdal sa paglilitis ng kanilang kaso at mabigyan sila ng pagkakataon na maipahayag ang kanilang panig sa korte sa pamamagitan ng paggamit ng wikang Filipino.
Hindi na bago ang paggamit ng wikang pambansa sa mga paglilitis. Sa akdang Mga Saliksik sa Batas at Politika (2003) ni Cezar Peralejo, inisa-isa niya ang mga probisyon sa Mga Alituntunin ng Hukuman (Rules of Court) ukol sa paggamit ng Filipino sa korte tulad ng pagsasalin ng sakdal sa akusado sa diyalektong nauunawaan niya. Nararapat ding isalin sa diyalektong naiintindihan ng nasasakdal ang mga katibayang dokumento at paunang pagsisiyasat sa krimen.
Ayon kay Peralejo, “ang pagpapatupad sa paggamit ng pambansang wika sa paglilitis ng krimen” ang siyang tanging kinakailangan sa pagtatanggol ng nasasakdal sa kanyang mga karapatan.
Sa ulat ng Inquirer.net noong ika-1 ng Hulyo, sinabi ni Punong Hukom Reynato Puno na naging epektibo ang paggamit ng wikang Filipino sa mga paglilitis. Nagkaroon ng malinaw na komunikasyon sa pagitan ng mga nasasakdal, abogado, hukom at miyembro ng korte.
Una itong isinagawa sa lalawigan ng Bulacan. Dahil sa tulong na naidulot ng paggamit nito sa mga paglilitis, isinusulong na rin ang pagpapatupad nito sa iba pang probinsyang gumagamit ng Tagalog tulad ng Cavite at Batangas.
Ngunit maganda man ang resulta ng proyekto, nagkaroon pa rin ng mga problema sa pagpapatupad nito. Nagpapahirap ang pagkakaroon ng iba’t ibang diyalekto sa bansa bukod sa Tagalog na nagpapatagal sa pagpapatupad ng proyekto sa buong Pilipinas.
Ilan pa sa mga suliraning kinakaharap ng proyekto ay ang pagkakaroon ng mga hukom na hindi matatas sa Tagalog at ang kinakailangang pagsasanay ng mga stenographer o ang mga tagapagtala ng mga pahayag ng nasasakdal para sa panghinaharap na gamit.
Noong taong 2003 at 2004, lumabas sa isang pag-aaral ng SWS na 76 na porsiyento ng 889 na hukom mula sa mga regional trial courts ang tumutol sa paggamit ng wikang pambansa sa mga hukuman.
Subalit kung mabibigyan lamang ng karampatang solusyon ang mga problema sa pagpapatupad ng nasabing proyekto, malaki ang maitutulong nito upang maging mas epektibo at mabilis ang pagkamit ng hustisya ng mga mamamayang nahihirapan sa paggamit ng Ingles.
Mapapalad ang mga nakakapag-aral dahil nakakaintindi sila ng wikang Ingles na ginagamit sa mga pormal na pagtitipon, sa pakikipagkalakalan, at maging sa pagbuo ng mga batas. Ngunit paano na ang mga hindi nakakapagsalita o nakakaintindi ng Ingles? Hindi ba’t bilang mga mamamayan ng bansa, karapatan din nilang maipagtanggol ang kanilang mga sarili?
Kung ang ilang bansa tulad ng Saudi Arabia, Japan at China ay gumagamit ng kanilang pambansang wika sa mga gawaing pang-estado, kaya rin itong gawin ng mga Pilipino.
Ani Peralejo, “ang wika ang pangunahing kasangkapan sa pag-uugnayan sa pagitan ng namamahala at pinamamahalaan; o ng gobyerno at ng mamamayan. Samakatuwid, dapat na gamitin sa komunikasyon ang wika ng bayan para magkaunawaan.”
Kung talagang nais ng mga Pilipino na magkaroon ng pagkakaunawaan hindi lamang sa mga hukuman kundi sa buong bayan, nararapat lamang na payabungin ang paggamit ng wikang nagbubuklod sa ating lahat bilang isang lahi.
*Unang inilathala sa The Varsitarian Vol. 80 No. 2